Misteryong Dilat

Inabangan ng punla ang iyong pagdating, upang layon nito’y makamtan. May kalulwang tumataghoy sa panangis, may inaagos hanggang sa malunod. May isang baliw na alagad ng sining , inaapura ang kaniyang obra, dahil kapag ikaw ay tumigil, hihinto din ang isip niya.

May kalyuhing kamay na alipatong isinilong ang kaniyang pinapastol. May nagpapaningas ng apoy upang maibsan ang lamig na bumabalot sa kaniyang katawan. Ang abang inakay nama’y nagkubli sa malagong dahon ng Molave, habang ang isang ina’y ikinulong sa bisig ang pumapalahaw na sanggol.

Naghahari ang gabi’y ibabalot mo sa kumot ang iyong katawan habang kinikiskis ang paa sa nanlalamig na puso ng iyong kabiyak. Bukang liwayway ay malamya, sa hapag nanamnamin mo ang usok na dulot ng mainit na lugaw, sa tanghali nama’y may bahaw na kaning sasabawan ng kapeng barako.

May isang labis na umiibig ang iyong pilit na ibabalik sa kaniyang nakaraan, sasabayan ng iyong mga kristal na alagad na nag-uunahang dumampi sa tigang na lupa; mula sa pintuan ng kaniyang kalulwa’y lumalaya din ang kinikimkim na butil ng kabiguan. Ikaw nama’y lumalaklak ng alak, hihithit ng tabako, umaasang magmamanhid ang iyong puso at utak. Kakatok ka, magbabasakaling sasamahan ka niyang sayawan ang musikang hatid ng iyong mga kristal.

Para kay J.Kulisap, minimithi niyang ibalik mo siya sa kaniyang kabataan kung saan hubad pa siya sa katotohanan.

Buhos pa ulan, araw ika’y maghari na,

Tumigil ka na ulan, araw huwag ka magpakita.

Ulan ikaw ba ay pakiramdam,

Ito ba ang hatid mong kahiwagaan?

Ang orihinal na pamagat nito ay KRISTAL.  Isinulat ko ito isang linggo bago tayo ma-Ondoy. Ito ang isa sa isinulat ko na masasabi kong ginamitan ko ng imahinasyon. Naging instrumento ang pagpatak ng mga tila kristal na ulan mula sa kung saan.Musika ang mga patak sa bubong na siyang nagpabangon sa akin upang magawa ang sulating ito.

About J. Kulisap

Ako si J. Kulisap. Kayumanggi ang damdamin ni J.Kulisap. KAINAMAN
This entry was posted in Bayang Pilipinas, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy and tagged , , , . Bookmark the permalink.

One Response to Misteryong Dilat

  1. isabel says:

    eto na ba yun lolo kulisap? may premyo ba ko sa pagkakahanap ko? d pa gaanong nag-sink in sa isipan ko yung akda mo, basahin ko na lang ulit😉

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s