Kung Hindi Man

Marabilia ka po,kahoy ka sa parang

Ang sanga’y maayos,ang daho’y maruklay

May isang prinsipe,doo’y naparaan

Ang talaga’t nasa’y, magpahingalay

Pakatapos ng pagpahingalay

Binunot ang punyal, sampu ng espada

Tinaga sa puno, inuli sa sanga

Yan ang ganti ko sa iyong kahoy ka.

Ang sagot ng kahoy,aruy kapalaran

Di ka na nag-isip, ng kahihinatnan

Ako ang nagkanlong, sa naiinitan

Saka naman ngayon ako ay pinatay

Si Irene,ang aking ina ay isinilang noong dekada 40. Sinariwa niya sa akin ang kaniyang kapanahunan sa pamamagitan ng mga awit. Ang awit sa itaas ay isang halimbawa ng kundiman. Sa kasamaang palad,hindi matandaan ng aking ina ang pamagat ng awiting kaniyang ipinamalas sa akin habang kami’y nagpapahingalay pagkatapos ng isang pananghalian. Sinubukan kong saliksikin ang awiting ito sa google subalit wala akong mahanap. Marahil ito’y nagpasalin-salin, pinayabong at inalagaan upang kilalanin natin na ang lahing Pilipino ay likas ang kahusayan lalo na sa pagpapabatid ng mga nakatagong damdamin patungkol sa paksang nais ipahayag. Punumpuno ng talinhaga ang nakapaloob sa awiting ito.

Ang kinahinatnan ng isang puno na nagkanlong sa prinsipeng nangailangan ng kandili ay siya ding pumatay dito.

Kung ang awiting ito ay nagmula sa aking bayan sa Marinduque, wala itong kasiguruhan subalit ito ay ang awit ng aking ina. Awit na itinanim niya sa kaniyang puso.Bitbit ko naman ang paghanga sa kaniya dahil sa kaniyang tinig, tila baga, ibinalik niya ako sa panahon na ang mga tao ay nabubuhay sa nagniningas na pag-ibig, at kapayakan. Isipin mo na lamang ‘yong panahong pagkatapos ng pag-aani ay maniningalang pugad ang mga kabinataan sa kanilang iniirog. Tinig na pumupukaw sa mayuming puso ng isang dalagang bukid. Isipin mo.

Pinasigla ang marubdob na nasa ng ating mga ninuno ng KUNDIMAN na nagmula sa salitang KUNG HINDI MAN noong ika-19 na siglo. Sa ngayon, iba’t ibang awitin na ang ating naririnig. Marami nang mapagpipilian dahil nagbabago ang panahon. Nagbibihis din ang musika subalit nananatili ang kaluluwa ng musikang Pilipino.

About J. Kulisap

Ako si J. Kulisap. Kayumanggi ang damdamin ni J.Kulisap. KAINAMAN
This entry was posted in Bayang Pilipinas, Mga Tula ng Puso, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy and tagged , , , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s