Babalik Ka

Babalik Ka

“‘Nak, kausapin mo ako ‘nak, gusto kong marinig ang boses mo ‘nak”, halos isubsob ni Nina ang kaniyang mukha sa computer monitor habang patuloy ang pagdalayday ng mga luha. Hindi mawari ang emosyong nakapaloob sa batang si Kristinna. “ ‘Nak, ipakita mo sa akin si bunso. Miss na miss ko na kayo mga anak.”, garalgal na wika ni Nina.

“ Sabi mo, hindi mo na kami iiwan, mananatili ka na sa tabi namin ni Leonard pero umalis ka pa rin, alam mo ‘Ma, takot na takot ako ‘nong tumaas ang tubig dahil sa Ondoy, akala ko, malulunod na kami ni bunso, hindi mo naturuang lumangoy si bunso, Mama.”

“’Nak, ang papa mo ?…nais kong makausap ang papa mo.”

“Mama, hindi na po siya umuuwi dito, umuwi ka na Mama ko. Sabi mo, bukas, nakakailang bukas ka na Mama.”….at tuluyang nalaglag ang luha ng musmos.

May pamilyang Pilipino na naglalakbay para makita ang mga magagandang pasyalan sa mundo, pero karamihan sa mga umaalis na Pinoy, pakikipagsapalaran sa ibang bansa ang pakay. Habang papaliit ang nakikita mula sa pinanggalingan,nagkakaroon naman ng pag-asa na may malaking pagbabago sa buhay kapag nasa ibang lupain na. Bitbit ang mga pangarap na makakaahon din sa takdang panahon, ayon sa kagustuhan. Hindi bale nang ibinenta ang kapirasong lupain, mangutang o nagsanla ng kaluluwa…makaahon lamang..di bale na.

 Sa aking paniniwala, walang ama o ina ang lumilisan para pangarapin na mawasak ang pinangarap at binuo nilang pamilya, bagkus nais pa nila itong pagtibayin.Umaalis sila dahil hindi natutugunan dito sa ating bansa ang kanilang nais at pangarap para sa kanilang pamilya. Hindi umaalis para umiwas sa responsibilidad bagkus, pumapanday ng mga pangarap, kapalit man nito’y paglayo at pangungulila sa mga minamahal.

 Aanhin ang magarang bahay, sasakyan, kwarta kung ang kapalit naman nito ay wasak na moralidad at nanggigipuspos na ugnayang pampamilya. Nasaan ang kasiyahang iyong hinahanap kung hindi ka naman kilala ng iyong mga anak? Kahit may yakap kang iba, huwag mong kalimutan ang wagas at tunay na sumisinta. Ito ang katotohanang hindi kayang tapalan ng dolyar, mga kahong padala at amoy “imported” na produkto.

 Marami nang kwento ang nagpaiyak sa atin kapag usapang OFW na ang sangkot, marami din naman ang kwento ng pag-asa at inspirasyon.

 Ikaw bilang anak ng isang OFW, nawa’y gabayan ka pa ng mga taong nagmamalasakit para iyong mas maunawaan kung bakit nasa ibang bayan ang iyong ama o ina. Huwag mo sanang gamitin ang mga rason na napabayaan ka, na nangungulila ka, na nananabik ka dahil sila, mas doble pa ang pagkasabik na nararanasan. Sa bawat, paghihintay mo, umasa ka, isang araw, babalikan ka, maghintay ka lamang.Para sayo ang kanilang pagsisikap, ipagpasalamat mong Pilipino ang iyong ama at ina- mapagkalinga at makapamilya, handang ialay ang buhay para sa anak. Darating ang araw, ikaw naman ang magkakaroon ng sariling pamilya, pagsumikapan mong tuparin ang iyong pangarap, para nang sa ganun, hindi mo na kailangan pang lumayo sa iyong magiging pamilya.

 Kung ikaw ay isang OFW, huwag mo sanang limutin ang iyong pangako, maglaan ka lamang ng panahon upang magkaroon ka ng pagsisimulan, alalahanin mong may babalikan ka sa Pilipinas- ang iyong pamilya, ang iyong bayan. Iba pa rin ang iyong haplos, ang iyong pagkalinga, ang iyong pagkatao, ang iyong mga pangaral. Nag-iisa ka lamang sa buhay ng iyong pamilya. Maniniwala pa rin akong hindi mo malilimutan ang iyong iniwan pansamantala, babalik ka para pagtibayin pa nang lubos ang iyong pangarap kasama nila.

 Marami nang paraan para hindi maputol ang komunikasyon, nag-uumapaw na ang paanyaya ng teknolohiya, malayo ma’y malapit rin, hindi ‘ga?

 Hindi ko lubos na muunawaan ang sakrpisyo ng ating mga OFW at ng kanilang pamilya pero ang mahalaga, panatilihing matibay ang ugnayan upang makapagpalago tayo ng isang mamamayang hindi nakakalimot magmahal sa kaniyang pamilya, darating din ang araw na lilingunin niyang muli ang kaniyang bayang inibig at iibigin pa sa darating na panahon.

Ito ay pakikiisa at pakikibahagi sa taunang Pinoy Expats / OFW Blog Awards. “Pagtibayin ang Pamilyang OFW: Mas Matibay na Tahanan Para sa Mas Matibay na Bayan”.

Ang akdang ito ay lahok sa PEBA Blog Awards 2010 na nagkamit ng ikatlong puwesto sa OFW Supporter Category.

About J. Kulisap

Ako si J. Kulisap. Kayumanggi ang damdamin ni J.Kulisap. KAINAMAN
This entry was posted in Bayang Pilipinas, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy and tagged , , , , , . Bookmark the permalink.

One Response to Babalik Ka

  1. jobrobinson says:

    OFW mama ko noon. Nakaramdam ako ng kalungkutan para sa iba. Sinusundan na din kita kasi Tagalog din.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s