Dalwang Mukha

Kapag may matatayog na gusali sa isang bansa, pwede nating sabihin na maunlad na ang isang pamayanan ngunit sa mga pagkakataong makikita mong meron pa ring mga sala-salabat na pook sa ating lipunan, tayo’y naguguluhan at napapatanong, bakit may napag-iiwanan.

Hindi pagkakamali ng isang mamamayan kung bakit may napag-iiwanan, mas lalong hindi pinangarap ng isang sadsad sa kahirapan na masadlak siya sa kaniyang kalagayan. Karamihan ng mga Pilipino, hindi man lahat, kahirapan ang naging inspirasyon upang maiangat ang kanilang buhay.

Sa bansang dumanas na pananakop na may pag-aalipusta sa lipi, pag-abot sa minimithing buhay ang ganti sa mga mapanuring mata ng lipunan, ito ma’y nagmula sa ibang lahi o maging sa kapuwa. Ang edukasyon na pinaniniwalaang isang susi sa tagumpay ay nagmimistulang lason kapag nanuot na sa kaibuturan ng buto ang kaalamang nakalap, tila baga pinamamanhid nito ang ating damdamin, wala na tayong pakialam sa iba pa, mas nangingibabaw sa atin ang kapangyarihang hedon.

Sa bawat araw na ating pagsisikap, alay ito sa ating pamilya at sa sarili. Tama naman na unahin ang pamilya dahil sila ang pinakamahalagang kapuwa sa buhay natin, kung pwede lamang naman, at may kakayahan kang yumakap ng iba, huwag ka nang mag-atubili, sugod na’t yumakap. Kahanga-hanga ka, bayani ka sa sarili mong gawi.

Kalat-kalat ang kaunlaran sa bansa natin Merong maunlad sa Luzon, sa Visayas at Mindanao, tila baga umayon sa topograpiya ng Pilipinas ang estado ng pamumuhay natin, kalat-kalat at iba-iba.

Kapag nagawi ka sa Greenbelt, Rockwell, Serendra o Ayala malls, hindi mo kababanaagan ng kahirapan ang Pilipinas. Pero kapag nagawi ka sa mga lugar kung saan talamak ang kahirapan, agad mong maiisip na Pilipinas ba ito?

Mga taong nakatira sa nitso, sa ilalim ng tulay at sa bangka na walang kasiguruhan kung ligtas sa darating na unos. Ang batang Badjao na tumutugtog na lata sa dyip o bus, nakakaindak ang kanilang tunog na hain subalit tumutusok naman ito sa puso mong maawain o di kaya naman ang mga matatanda ng Cordillera na kuba nang namamalimos sa lansangan. Isang makulay na sining ito sa buhay ng Pilipinas. Paksa ng mga dayuhan sa kanilang mga larawan at kwento pagbalik nila sa kanilang bayang tinubuan.

Mapagkandili ang bahay ampunan subalit may iniiwan itong impresyon sa pangkalahatan. Nasaan ang mga mapagkandiling mga magulang at anak? Bakit hinahayaan nating sa lansangan tumira ang mga paslit at magpagala-gala ang mga matatanda? Anong silbi ng mga relihiyon kung mahina ang pundasyong moral natin? Saan tayo mayaman kung ganun?

Napapansin ko lamang na nagtataasan na ang mga gusali dito sa atin, darating ang araw na wala nang kabuhayan ang mga magsasaka. Sa katulad kong hamak na manggagawa, hindi ko kayang bumili ng bahay at lupa, sino kaya ang tumitira sa pagkagagandang condo at bahay na itinatayo ng mga developer? Mga ibang lahi? Mayayaman?

Kung may gusaling mayabang na nakatayo, baka makalimutang sa basurahan pala ito nakatapak. Tunghayan mo’t igala ang paningin.

About J. Kulisap

Ako si J. Kulisap. Kayumanggi ang damdamin ni J.Kulisap. KAINAMAN
This entry was posted in Bayang Pilipinas, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy and tagged , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s