Salunga

 

Sining ang bawat buka ng bibig

Bumubukal ang makapangyarihang sinasambit

Mga ngiting mula pa sa kaibuturan

At sa bawat salita’y gantimpala ang naghihintay na kapalit

 

May pag-asa sa hatid ng pagbabago

May bagong buhay dulot ng isang kagustuhang;

Kumawala sa rehas ng sariling pagkukulong

Sa dating ako, ako  na siyang dahilan kung sino ako ngayon.

 

Gusto ko na…gustong gusto

Lakas ng kalikasan

Tulungan mo ako

Init ng araw, balutin mo ako

Kidlat, kulog, ulan, panhik na sa puso ko

 

Gusto ko na. Ang anyo ko’y bago.

 

Salamat sa iyo Makapangyarihan

Kaysarap maglakad ng may paghakbang

Hindi paurong kungdi pasulong

 

Bawat minuto, iikot ang mundo,

Tungo,

Sa nais kong pagbabago

Salunga- paghakbang sa paitaas na daanan/lugar

adj

  • adverse [advérs]
Laban; salungá

 

 

Posted in Kamalayang Malaya, Mga Tula ng Puso, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy | Tagged , , , | 11 Comments

2012 in review

Gumagay-an pa din naman ang Kainaman dot wordpress dot com.

” Magkaganunman, laging paraiso ang salamat sa tumatanggap, langit ang mga aral na idinudulot ng mga salita dito sa mundo ng blogesperyo. Halimuyak ang samut-saring wika ng mga manunulat, siyang wisik sa kamalayang bansot na pwedeng maging matikas sa darating pang pag-usbong ng mga araw.

May mundong umiikot sa inyong lingkod na sa tingin ko’y ito muna ang dapat na pag-igihan dahil nakasalalay ang mas rumaragasang nektar ng pag-asa.

Magsasama pa tayo at magsasayaw sa iisang ritmo ng mga salitang hindi naluluma sa mga nananabik na gaya ko. “

Buhay ang taon. Aagos sa paraang nais mong tahakin.

The WordPress.com stats helper monkeys prepared a 2012 annual report for this blog.

Here’s an excerpt:

4,329 films were submitted to the 2012 Cannes Film Festival. This blog had 36,000 views in 2012. If each view were a film, this blog would power 8 Film Festivals

Click here to see the complete report.

Posted in Bayang Pilipinas, Kamalayang Malaya, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy | Tagged , , | 7 Comments

Basahin mo kaya ito?

Dear God, bakit ‘pag pinasasalamatan ka ng iba, lagi sa huli…uunahin na kita ngayon..’wag ka maarte. God, wag ka choosy..hehehe. Musta u? Krismas na naman. Salamat ha, alam mo na yan..malaki ka na kaya, powerful pa. Bakit ba ang generous mo, kailan ka ba magiging madamot? Ngayon na?…Grabe ka naman, joke lang eh. More energy ha Bro? Ay grabe ka…thank you ulit.

Bro, may message ako sa mga taong magbabasa, tungkol sa Pasko to Bro. Basahin mo din ha, ‘tas magkoment ka, pending ‘yon pero i-approve ko agad pag ikaw ang nagkoment. Lels. Bro alam mo ba ‘yong lels? Eh TNT? Blogger ka ba Lord? Turuan kita pag hindi pa. Heto na nga.

Laging sumasapit ang Pasko. Iba ang hatid na kaligayahan nito lalo na sa mga bata. May magic. Sumasabay ang hangin sa mga kumukutitap na palamuti tuwing kapaskuhan. Nanunuot sa puso ang diwa nito sa mga naniniwala. Nagiging makulay

Ikaw kung ano man ang nangyari sa iyo sa buong taon, magpasalamat ka nang ilang beses sa mga nangyaring iyon. Kung hindi naging mabuti ang iyong karanasan, magpasalamat ka dahil may pagkakataon pa para gawing mabuti ang aral ng pangyayaring  iyon.

Magpasalamat ka sa iyong pamilya, alam nating hindi tayo perpekto pero bago tayo matulog, alam nating may kapamilya tayo. May nagtatanong, may nanenermon, may namamalo pero may nagsasabi pagkatapos ng mga ganito “ Kumain ka na ba?” at “ Subukan mo namang makinig, parang awa mo na. “ ‘Yong iba, hanggang ngayon, hinahanap ang nawawala nilang kaanak. ‘Yong iba, nakikiamot ng pagmamahal ng ibang kaanak. Ano ka ba naman tsong! ‘Wag masyadong ma-emote ha? Sakalin ko hininga mo eh. Nyoklang.

Magpasalamat ka sa iyong mga katrabaho, pagkatapos ng tsismisan at huntahan tuwing pananghalian- alam mong may trabaho kayo, may hinihintay na sahod tuwing kinsenas/katapusan. Kahit barya..’yong iba, walang wala sa bulsa. Say thank you na din sa iyong kumpanya. May trabaho ka, tandaan.

Kaibigang nakatampuhan, taliwas ang pinaninindigan at kaibigang hindi nagpautang sa oras ng kagipitan pero magtitext..” Friend, wag na u galit..next time maniniwala na ako sayo, magkano ba inuutang mo?”. Ano mang uri ng kaibigan ang meron ka, aba suwerte mo, ‘yong iba ‘ata, hindi alam ang salitang kaibigan.

Binaha, binagyo, nawalan ng bahay at mga ariarian, pero nasaksihan mo ito, ibig sabihin buhay ka pa…magpasalamat ka pa rin. May pag-asa pa.

Maraming mga pangyayari ang nagpapabaligtad sa landas na gusto nating tahakin. Maraming bakod at pagkaminsa’y may hardin ng mga matitinik na pagsubok. Iba-iba. Pero iisa ang laging pinapaunawa sa atin ng mga pangyayari. Tanggapin mo, yakapin mo, maganda o hindi masyadong maganda. Ikaw naman kasi ang magsasabi nito kung may aral ba o dapat may matutunan sa mga pangyayaring iyon. Kahit sa palagay mo suko ka na, tingnan mo, matuto ka lang tumanggap na suko ka na, may tutulong sayo para bumangon ka. Kaya yan. Halika dito, pag-usapan natin. Matuto kang makinig at magsabi. Wag kang makasarili. Kung ano man ang pinagdadaanan mo ngayon, please lang…please lang…hindi ka NAG-IISA. Galaw-galaw baka pumanaw. Lels

Maniwala ka..lagi kang maniwala na araw-araw ay Pasko, hindi lang tuwing Disyembre.

Alam mong mas mapalad ka kaysa sa iba pero mas grasya ka kung magiging dahilan ka ng Pasko ng iba.

Maraming salamat sa iyo na bumabasa nito. Hindi man tayo madalas mag-usap, o ni hindi mo manlang ako nakikita o walang tsansang magkaganun…maraming salamat dahil ginagawa mong makabuluhan ang buhay ko. Best gift ever, sabi ng pasosyal na friendship u. J

“Yong bang, kahit hindi mo kakilala at sasabihan mo ng “ Maligayang Pasko po”. Tinawid mo ang buhay niya ng ilang libong beses.

Isang Maligayang Pasko at punong-puno ng pag-asang Bagong Taon sa lahat.

Posted in Kamalayang Malaya, Kulturang Pilipino, Mga Tula ng Puso, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy | Tagged , , , , , , , , | 14 Comments

Karsada: Pasulyap

Kamusta na kayo? Paumanhin naman sa mga dumadalaw dito sa aking site. Ang taas pa din ng hits kahit wala akong update. Nakakahiya naman.

Anyway, ako’y abala sa aking negosyo kaya ganun. ‘Di bale, di ako nawawala. Update lamang ito.

Ako ang nagbigay ng deadline sa isang editor na nakausap ko para sa ginagawa kong nobela. Ipapabasa niya sa Editor in Chief para kapag ayos, ipapublish nila. Sabi ko October 2012, tapos ko na. Nganga. Epic fail. Buraot. Luga. Next October ulit, nakasampung kabanata naman ako. Hindi na masama, may mahigit sampung kabanata pa.

Ito ang bahagi ng Kabanata 7

…Hindi na siya nagtagal pa sa computer house. Naglakad pa siya nang naglakad. Nakakita siya ng bukas na tindahan, may nag-iinuman din. Nagpaload siya. Nagtext ulit kay Jay. Habang nagpapatuloy siya sa paglalakad ay umaasa siyang tutunog ang kaniyang cellphone sa kaniyang bulsa.

 

Malayong malayo ang San Ignacio sa San Nicolas. Kitang-kita ang makulay na posteng umiilaw sa paligid ng kalsada.  Hindi na ganon kadaming sasakyan ang bumabyahe sa mga oras na iyon pero halos kada minuto ay may dumadaan.  May nadaanan siyang trak ng basura at mga basurerong nangongolekta ng basura sa bawat kanto. May magbabalot ding sumisigaw, inalok  pa nga siya. Wala siyang planong direksiyon kung saan pupunta. Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad, katwiran niya’y hangga’t walang dead end. Hangga’t hindi sumasagot si Jay sa kaniyang text. Hatinggabi na.

 

EDSA na pala. Pinagpasiyahan niyang umakyat sa footbridge. Nanatili siya doon ng isa’t kalahating oras. Napakagandang pagmasdan ng mga ilaw ng mga sasakyan kapag nakahinto ang mga ito. Mga alitaptap ng lungsod, tanglaw sa mapanglaw at maharot na Maynila. Napagtripan niyang bilangin base sa kulay at uri ang mga sasakyang humaharurot galing sa Monumento papuntang Makati, Pasay at Alabang. May mga pulubi namang nagkaniya-kaniyang hanap na ng puwestong mahihigaan sa gilid ng footbridge. Tuyot na ang plastic na sisidlan ng rugby, ang isa’y binilog pa ang plastik at binato pa sa kasama. Tulog na tayo, mga putangna nyo, buhay pa kayo. Paker! Sigaw pa ng isa. May isang binatilyo  naman ang tumuntong sa barandilya ng footbridge. Idinipa pa nito ang kamay. Ilalabas ko daw ang aking pakpak, lilipad na ako. Lilipad na ako. Paalam mga ‘tol. Siyang paghaklit naman ng isa. Tangena ka eh no, ‘wag kang tae. Matulog ka na. Papakamatay ka, eh kupal ka pala eh, tanga, wala na daw space sabi ni Sampedro, walang iwanan. Matulog ka na. Igapos nyo nga ‘yan mga ‘tol.

 

Kinabahan ako. Parang nakita ko sa mukha ng pulubing gustong lumipad ang mukha ng kapatid kong si Joseph. Kamusta na kaya ang bunso kong kapatid? ‘Yong pulubi, sinagip ‘nong kapuwa pulubi niya sa pagkakahulog, kung hindi ito naging maagap, tiyak na basag ang bungo nito’t lasug-lasog ang katawan at maaaring nasagasaan pa ng mga humaharurot na sasakyan. Nangilabot ako sa nabuong larawan sa aking isip. Sa kabila ng sitwasyon nila, sa kalagayan ng mga pulubing ito, hindi kayang itatwa na nagdadamayan sila. Sino kayang karamay ni Joseph? Ako sana kaya lang malayo kami sa isa’t isa. Sana maayos ang lagay ng bunso kong kapatid.

 

May mangilan-ngilang dumadaan na inaalok ng panandaliang aliw ng mga babaeng nakatambay din sa footbridge. Nakita niya ang isang motel nang iminosyon ng babae sa lalakeng kausap nito ang direksiyong kinaroroonan ng gusali ng mga panandaliang halinghing at anas. Iniangkla ng lalake ang kamay nito malapit sa suso ng babae habang papagawi sa motel. Malamang nagkasundo na sa presyo. Mayamaya’y may lumapit sa kaniya. Pasuray-suray pa ang lalake. Tinanong siya kung magkano pero mabilis siyang umiling….

 

 

Posted in Kamalayang Malaya, Kulturang Pilipino, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy | Tagged , , , | 14 Comments

Namisplace na Bahay, Naglayas na Sasakyan, Lusaw ang Buhay

 

Nakatanggap ako ng imbitasyon mula sa mag-asawang Junep at Cel Ocampo ng RightMedia Philippines tungkol sa isang seminar para sa mga taga-media. Si Junep ay isang PR Consultant at si Cel naman ang facilitator ng nasabing seminar. Sa akin ipinagkatiwala ang pag-iimbita sa mga bloggers. May pasok ang karamihan kaya ‘yong mga nagleave ay nadaragan o sadyang mahal na mahal nila ako para sumama sa akin.

 

Noong ika-apat ng Oktubre ay nasa Insurance Institute for Asia and the Pacific kami (bloggers) kasama ng  mga iba’t ibang personalidad mula sa pahayagan, radyo, magazine ganun na din ang mga personalidad naman mula sa insurance sector at mga negosyanteng may direktang kinalaman sa insurance.

 

Ang sabi sa akin ni Cel, matagal na daw silang nag-eexist pero bibihira ang nakakaalam ng tungkol sa kanilang samahan/asosasyon kaya naman bilang isa sa layunin nila ay ang palawakin at paramihin ang mga taong magiging aware ay sinimulan nila ang seminar sa mga paaralan at isinunod naman ay para sa mga taga-media.

 

Mahigit isang siglo nang nag-eexist ang mga Insurance Company dito sa atin, pag-aari man ng mga banyaga ang ilan pero isa itong indikasyon na buhay ang negosyong ito sa ating bansa. Kung matatag ang ganitong industriya, ibig sabihin may malaking tulong ito sa ekonomiya maging sa isang indibidwal sa Pilipinas.

 

Pamilyar tayo sa Life Insurance pero bihira sa isang ordinaryong Pinoy na unawain ang Non-Life Insurance. Maaaring napasadahan sa pag-aaral, nabasa sa pahayagan o naikuwento ng mga nakakaalam pero ang totoo, hindi naman natin talaga ito binibigyang pansin. Sabi nga ng isang participant mula sa hanay ng mga bloggers, tayong mga Pilipino daw, nabubuhay at naghahanapbuhay para makasurvive. Ibig sabihin, hindi na mahalaga ang mga insurance na ‘yan. Kung may extra-money ka, saka mo pag-isipan. May punto din pero dahil nagbabago ang panahon sa atin o kahit saang sulok ng daigdig mas magandang ikunsidera ang mga iniaalok na serbisyo/produkto ng mga insurance companies. Nananalasa ang Habagat kamakailan lang sa atin, hindi iyon bagyo pero marami ang napinsala, ‘don pumapasok ang kahalagahan ng mga insurance companies. Minsan iniisip natin na raket ito. Hindi naman agad napapakinabangan ‘yan, worst patay ka na saka pa lamang maki-claim lalo na sa Life Insurance. Sa ibang bansa, “it’s a must” na may insurance ang isang tao. Dito sa atin, iilang porsyento lamang ang meron nito.

 

Sa seminar ipinakilala ng medyo malalim ang industriyang ito. Ating unawain na ang insurance ay proteksiyon sa panahong kailangan natin. Halimbawa, ang bahay mo ay nasunog o kaya namisplace mo, sasakyang ninakaw, naglayas o nalubog sa baha. Sa halip na tayo mismo ang mag-shoulder ng mga gastusin, sasaluhin ng mga non-life insurance companies ang gastusin. Depende ‘yan kung anong package ang kukunin mo. Ganun din naman sa Life Insurance, hindi naman natin alam kung kailan tayo malulusaw sa mundo. Bakit lusaw naman hane?

 

Ito lamang ang tandaan natin, kapag Non-life insurance, isang taon lamang ang kontrata niyan at renewable samantalang ang Life-Insurance ay mayroong iba’t ibang termino ng pagbabayad depende sa package o premium na babayaran at pwede kang kumita o tumubo ang iyong pera. Meron ding micro-insurance na kahit tayong mga ordinaryo ay kayang-kayang maka-avail. Magsaliksik, magtanong at palawakin ang pang-unawa.

 

May mga samahan din ang mga insurance companies. Sa Non-life, PIRA ang tawag dito at PLIA naman sa Life, ang mga samahan/asosasyong ito ang nagpapatatag sa industriya ng insurance. Sinusupurtahan at binubusisi din ang mga samahang ito ng Insurance Commission na pinapatakbo naman ng ating pamahalaan. Isama na din natin ang Insurance Institute for Asia and the Pacific, kung gusto mong magpakadalubhasa sa industriyang ito, pwede kang mag-aral, magsaliksik at magtanong.

 

Mabilis tandaan. PIRA ay pera PLIA ay tunog Laya. Kalayaan. Magandang ekonomiya. Matatag na industriya. Malaking tulong sa pag-unlad ng bansa.

 

Para sa karagadang kaalaman:

http://www.plia.org.ph/

http://www.pirainc.org/

http://www.insurance.gov.ph/

http://iiap.com.ph/

 

 

Posted in Bayang Pilipinas, Kalakalan sa Pilipinas, Kulturang Pilipino | Tagged , , , , , , , | 10 Comments

Pagsusuri: Poor ba Us? ni R.A. Gubalane

Poor ba Us Sinong Mahirap ni R. A. Gubalane

Layon ng aklat ni Gubalane na maimulat ang mga gising naman nating diwa sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa lalo na sa usaping pananalapi na may direktang kinalaman sa ating pagkakalugmok sa utang, pagkakalulong sa mga hindi maipaliwanag na paggastos sa kabila ng kakapusan sa kinikita. Inilahad niya ito sa paraang mauunawaan ng mas marami; mag-aaral, nagtatrabaho, propesyunal o tambay man sa kanto dahil ang mga salitang ginamit ay hindi nangangailangan ng malalim na pag-aanalisa subalit ang mensahe ay lutang na lutang at tiyak kong manunuot sa himaymay ng bawat makakabasa nito. Napapanahon din ang mga pangyayaring inilahad: na bawat Pilipino ay sangkot, mula sa tahanan, sa paaralan, sa kulturang popular, pulitika at maging sa usaping pansarili. ‘Yong tipong “ Nakakarelate ako”at  “ Oo nga naman.”. Nagprisinta din siya ng mga datos upang maiparating ang totoo at hindi gawa-gawa lamang.

Ang mas mahalaga dito ay tuturuan ka niyang timbangin ang pagpapahalaga mo sa iyong sarili upang maibahagi mo naman ito sa iba. Kung nag-iisip ka, kung nasaan na ang pinaghirapan mo? Basahin mo ang aklat na ito. Ang nakakatuwa, pwede pala nating baguhin ang nakasanayan na. May mga librong nailathala na upang pumukaw din ng diwa pero ang Poor Ba Us? ni Gubalane ay may sariling kariktan. Walang masyadong drama, prangka at tumatawid sa reyalidad. Nangyayari. Kasangkot tayong lahat.

Sino ang ayaw ng pera? Binanggit niya sa aklat na ang pera ay masama kung sa masama gagamitin, mabuti ito kung sa mabuti gagamitin.

“…Walang medisina sa nilalasong sentido…”- R.A. Gubalane

Bagamat parang nanununtok, nagmumura o nandudura ang ibang akda, ang pagdudumilat ng katotohanan ang siyang nagpapaigting sa kalidad ng librong ito na dapat na mabasa ng mas marami. Ipinapamalas ang kahalagahan ng pera subalit ipapaintindi naman kung ano ang masamang dulot ng labis na pagkahumaling dito.

May mga sulatin siyang tumatalakay sa ating bansa pero mas hinihikayat kitang basahin ang “Salamin” pahina 57 at “Incest” pahina 93. Ang salamin ay tumutukoy sa iyo, sa akin, sa kanila- sa ating lahat. Ipinamalas niya dito ang talim ng mga salitang susugat at paaantakin ang diwang nananamlay dulot ng mga pangyayaring ayawan man natin ay tila talamak nang nakikisama sa ating pakikibaka sa araw-araw. Sa Incest naman ay ginahasa niya ang aking isipan upang paglaruin ang mga nakaraan. Ako pala ay manghahalay din sa sarili kong “ina”.

May mga sablay sa teknikal na aspeto ng pagsusulat pero kahit sinong tanyag na manunulat ay hindi ito kayang gawing perpekto. Kaya naman mahalaga ang ginagampanan ng isang editor. Mas mainam na may ibang mata na kumikilatis sa isang sulatin para mabawasan ang mga pagkakamali. Sasang-ayunan ako ni Gubalane na mahalagang maihatid ang nais ipaunawa sa pagsunod sa teknikal na aspeto dahil ang anumang nakasanayan na ay mahirap nang gawing tama pero posible. Ang pagsasalansan ng mga nilalaman ay mahalaga din upang mapanatili ang interes ng mambabasa. Maari sanang inihanay niya ang mga usapin tungkol sa pagka-Pilipino, usapin tungkol sa pananalapi at mga akdang naghahamon ng kamalayan nang sa ganun ay mas maipakikita pa ang kahusayan at kagandahan ng librong ito sa masining at kagiliw-giliw na paraan. Tama lamang ang kapal ng libro para maihatid ang layuning nagpapamulat sa mambabasa. May ilang mga ginamit na larawan subalit hindi lumutang ang tunay na layunin ng larawan upang mapakinang pa ang akda dahil sa kakarampot na espasyo.

Ang mayabong na puno ay hindi basehan na ito ay nagbibigay ng masarap na bunga. Ang kilalang puno bagama’t napatunayang may masarap na bunga ay hindi nangangahulugang wala nang iba pang puno na may masarap na bunga sa paligid. May punong hindi kasing-yabong ng kilalang puno pero kung susubukan mong tikman ang bunga, maaari mong sabihing, “Bakit ngayon lamang kita natikman?”Ganito ko nais ilarawan ang batang-batang libro ni Gubalane.

Adbokasiya ko nang suportahan ang mga Pilipinong manunulat, pero mas higit pa sa suporta ang nais kong ibahagi kay Gubalane dahil siya ay isang kaibigan kahit na maikli pa ang sukat na namamagitan sa amin dahil hindi naman dapat sinusukat ang pakikipagkapuwa tao. Si Gubalane ay nagkamit ng ikatlong karangalan sa KM3: Tinig, pagkatapos ng ilang buwan ay iniluwal na ang Poor Ba Us?. Sino pa ba ang magtutulungan kungdi tayong itinadhanang magbahagi ng mga salitang makakayabong ng ating mga pangarap. Ngayon higit sa like, komento at pagsishare, kailangan mong bumili upang matulungan natin ang bawat nangagarap na manunulat na ipagpatuloy pa niya ang kaniyang naisin. Isang pamamaraan ito na sana’y magpukaw naman sa mga publisher sa Pilipinas na bigyang pansin din ang mga hindi kilalang manunulat upang sa gayon mas mapalago natin ang panitikang Filipino.

Si Gubalane ay blogger din kaya dapat lamang na mula sa hanay natin ay maipamalas natin ang ating suporta at pagtangkilik.

Kung nais ninyong magkaroon ng kopya ng libro, ito ay mabibili sa

http://www.amazon.com/Poor-Ba-Us-Tagalog-Edition/dp/1478364750 o mag-email  kay Gubalane ( limarx214@yahoo.com.ph )

Show Less

Book Description

Mahirap nga ba ang mga Pilipino? Ano ba ang dahilan sa likod na pagkakaroon natin ng mga Supermall? Bakit maraming Pilipino ang kabilang sa pinakamayayamang Pilipino sa listahan ng Forbes? Bakit maraming Pilipino ang walang panghihinayang sa pagpapalit ng gadget? Bakit kabilang ang overpriced na iPhone sa pinakamabiling celphone sa ating bansa? Bakit kahit mahal ang halaga ng isang imported na gamit mas pumapatok ito kaysa sa mga murang halaga pero lokal na produkto? Bakit kaya nating pondohan ng milyon-milyon ang CDF ng bawat mambabatas? Bakit kahit gaano kamahal ang halaga ng produktong alak at sigarilyo patuloy na namamayagpag ang negosyong ito? Bakit kahit mahal ang tiket sa konsiyerto ng dayuhang mangaawit ay pumapatok pa rin ito? Bakit may bilyon-bilyong dolyar tayong reserbang pera? Bakit milyon-milyon ang allowance nang kung sino mang opisyal o delegado ng Pilipinas sa tuwing pupunta sa ibang bansa? Bakit may kakayahang tayong magpautang ng Bilyong Dolyar sa ibang bansa? Bakit ba ang dami kong tanong?

Product Details

                               Paperback: 110 pages

                               Publisher: CreateSpace Independent Publishing Platform (August 19, 2012)

                               Language: Tagalog

                               ISBN-10: 1478364750

                               ISBN-13: 978-1478364757

                               Product Dimensions: 8 x 5 x 0.2 inches

                               Price: $7.00

Posted in Bayang Pilipinas, Kamalayang Malaya, Kulturang Pilipino, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy | Tagged , , , , , , , , , | 24 Comments

Nagbabagang Balita: JKul Bumisita sa Pinas

Ngiti muna diyan. Kapag ‘di lumabas gilagid mo, hindi ka susuwertehin ngayong araw. Ayan, nganga pa. Uto uto? Minsan nakakagaan ng pakiramdam ang pagiging uto-uto. Tawa nga ulit…ayan.

Eh heto pa, ‘lika dito bilis, may ikukuwento ako. Lapit ka pa. Ayan…parang amoy araw ka. Ligo ka nga muna.

Alam mo bang hindi pala lahat ng mahaba ay masarap? Kainaman.

O, wag masyadong mag-isip ng iba.

Kamusta naman?

Nitong mga nakalipas na araw ay tila bahagya ang aking pagsulyap dito sa aking tahanan. Pinili ko kasing maging abala kaya naman heto ako basang basa sa ulan,walang masisilungan. Walang malalapitan. Napakanta ka ba? Sige tuloy mo lang ‘yan. May kinabukasan ka diyan.

Mabalik tayo sa mahaba pero hindi kasarapan. Ganito ‘yan, nabigyan ako ng pagkakataong dumalo ng Writing Workshop. Akalain mo ‘yon, kauna-unahan kong pagdalo ng isang gawain na may kinalaman sa hilig ko talaga. Ay, panalo mga tsong. Nanginig ako, pumuti mata ko, napakagat labi ako sa sarap. Ahhhhhhhh! Ganyan. Salamat pala sa aking kumpanya, lagi akong binibigyan ng pagkakataong malinang ang aking kaalaman. 

Pero wait there’s more. Wow English. Ayon ang problema, English mga kumare at kumpare. Ang facilitator na si Junep Ocampo ay nag-email ng assignment namin para ma-gauge niya, (gauge talaga?) ang aming writing proficiency. Ang instruction, walang mag-eedit ng gawa. Kainaman. Assignment pa lang Ate Charo, nag-internal bleeding na ako. Wawa naman me, said I (me) to myself. Patay. Grammar nazi, hi. English eh. Pagpasok ko sa creative room, ayan na kasama ko pala ang daga ng aming kapitbahay. Sa isip ko, kung Filipino pa, baka may laban. Baka hindi panis ang kaya kong ipatikim.

Tapos na. Wala na akong sasabihin. ‘Di ba nga, minsan hindi masarap ang mahaba?

Pagkuwentuhin nyo pa ako bilis. Kasi bihira lang ako magkwento. Pilitin nyo ako.

Tatlo ang facilitator sa workshop. Si Junep Ocampo na kasalukuyang Managing Editor ng RightMedia Philippines, Editor in Chief ng Motorcycles World (kauna-unahang taglish magazine) ikinatuwa ko na may magazine na taglish at Editor in Chief ng Iloilo News Today, dating kolumnista sa The Philippine Star, sa madaling sabi, hLIMAw na siya sa larangan ng pagsusulat. Kasama niya din ang kaniyang maybahay na si Cel Ocampo na siya namang gumagabay sa teknikal na aspeto ng pagsusulat. Si Lucci Coral, sa pagkakaintindi ko ay nagsusulat din sa isang pahayagan (The Manila Bulletin) ang siya namang nagbigay ng kaalaman tungkol sa pagsusulat ng balita.

News Writing, Feature Writing, Press Conference, Basic Photography and Social Media- iyan ang mga pinag-aralan namin na sabi ni Mr. Sison, kapag wala kaming natutunan ay salary deduction daw ang ibinayad sa workshop na iyon. Patay!

Pero seryoso, ang daming nagbukas na oportunidad sa akin sa pagdalo ng pagsasanay na iyon. Hindi na ako masyadong naaalibadbaran sa English pero mahal na mahal na mahal ko pa rin ang wikang Filipino. Tayong dalawa lang ha? Promise? Yes…very much.

Akala ko matatakot ako sa mga facilitator, hindi naman pala, kaya pala sila nandon ay para magbahagi ng mga karanasan na nila. Hindi naman pala masamang magtanong, kasi may sagot sa mga agam-agam. Agam-agam mamen!

So asan na yong mahaba?

KISS muna bago ko sabihin. Ayan, isa pa nga uy! Ayan..amoy nganga ka. Lol

Sa pagsusulat daw lalo na ang mga balita kailangan KISS. Keep it simple and sweet. Hindi kailangang mahabang mahaba ang mahalaga siksik na ang mga impormasyon sa mga isinusulat.

Ngiti nga ulit diyan. Lagi kayong mag-iingat.

 PS. Sir Junep, kapag nabasa mo ‘to, di ko alam kung sasakit ulo mo. Alin ang headline at alin ang hindi mahalaga? Wahahaha. Peace

Jkul

Posted in Kamalayang Malaya, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy | Tagged , , , , , , , , , , | 10 Comments

Dear Kuli: Mega the Informer

Nakausap ko si Mega kamakailan at heto ang natatandaan ko sa aming pag-uusap.

Mega: Kamusta ka na baliw?

Kuli: Gan-un pa din. Kaw? May trabaho ka?

Mega: Meron, dito sa presinto, lunch break ko  kaya naka-online ako.

Kuli: Pulis ka na Mega? Ang malas naman, nililinis po natin ang hanay ng kapulisan, bakit diyan ka pa napadpad?

Mega: Informer ako ng pulis, bobo!

Kuli: Kung makabobo ka naman, parang hindi ako nag-grade one.

Mega: Jowk lang.

Kuli: Namiss kita, joke lang din.

Mega: Tangina mo, ‘gang ngayon di ka pa rin nagbabago

Basahin ang liham niya sa Dear Kuli. Akalain mo ‘yon. Nag-level up na si Mega. Kongrats. Mega the Informer na from Mega Luwang. Jowk ulit. ‘Nga pala, baka isipin ng mga nagbabasa dito eh puro kalokohan ang mga sumusulat sa Dear Kuli. May mga makalaglag pusong idinulog sa programang ito pero hindi ko muna ire-repost. Gaya ni Lulu, at ni Mrs. Spongebob. Kailangan ko muna ng pampagood-vibes dahil BER na. Wala lungs.

Dear sir jkul,

Bakit po jkul ang tawag sa inyo? Yan po ba ay initial o talagang mahilig kayo magjak**?

Pero bago nyo po sagutin yan, maaari ko ba kayong handugan ng isang awitin?

Maganda po yan search nyo sa iyotube.

Talaga yatang wala ng pag-asa upang ako’y iyong ibigin pa

Paano mangyayari gayong ako’y di mo pansin

Paano mo malalaman sayo’y may pagtingin

lagi na lamang sa aking isipan, sana ito’y iyong maramdaman

Masabi ko na sana na minamahal kita

Doon mo lang malalaman pag-ibig ko’y hanggang

Pangarap ka na lang ba o magiging katotohanan pa

Bakit may mahal ka ng iba, ngunit di bale na

Kahit mahal mo siya mahal naman kita

Kung totoo ang lahat ng iyan sana ako’y nangangarap na lang

Masayang man iyan ay pangarap lamang

Di naman ako gaanong masasaktan…..

Maganda po ba boses ko? Sana nagustuhan ninyo, klap klap naman po dyan.

Ako po si Mega isang tindera, tindera ng aliw sa Avenida. Kung gusto nyo ako makita ipagtanong nyo lang ako sa kahabaan ng avenida mula sa dorotheo jose hanggang sa simbahan ng sta.cruz. Minsan lumalapag din ako sa kahabaan ng shaw blvd. paikot ikot lang po kung saan walang huli.Problema ko ser yung mga kostumer na kuripot. Bakit ba hindi nila maintindihan na kumakain din ako ng 3 beses isang araw, umiinom ng vitamins at gumagamit ng feminine wash? lalo na ngayon ang mamahal ng mga bilihin ser pero kung baratin nila ako ganon na lang. Ano po ba ang dapat kong gawin? Tulungan nyo nga po ako. Aasahan ko po ang inyong kasagutan sa lalong madaling panahon, now na!

Gumagalang kahit hindi ginagalang,

MEGA

Dear Mega,

Ang J ay inisyal ng aking totoong ngalan. Tama ka, mahilig ako. Mahilig akong magbasa ng mga sulat ninyo. Nagkakakalyo na nga ako sa kamay eh, kakabasa.

Tamang pangarapin mo na lamang ako at ‘wag nang maging totoo pa. Ipinanganak si J.Kulisap para magmahal ng marami at hindi pwedeng sa isa lamang. ‘Yon daw po ang dapat isagot ko sa mga tanong, sabi ng road manager ko. Salamat sa iyong handog na awit, nanariwa ang naliligaw kong kaluluwa. Hehe

Ramdam kita Mega, nilangaw na rin ang aking karir. Bihira na akong tumambay sa Pasay, lalo na don sa may Baclaran Redemptorist Church. Wahahahaha. Kaya heto, nagshift ako sa blogging.

Nahihinuha kong nalulugi ka na nga dahil minamadali mo akong sumagot. Sana matulungan kita. Heto na.

  • Una, bakit ka binabarat? Baka naman kinukulang ka sa performance o di kaya naman ay medyo nalalaos ka na? Mahirap ibenta ang gasgas na kesa sa brand new. Subukan mo ang vagina tightening machine ni Belo, na pinagkaguluhan sa twitter kung ano ang dapat na itawag. Sana napili yong Kepslock o kaya Vulvaseal. Kaya lang medyo may kamahalan siguro iyan. Makiusap ka na lang na hulog-hulugan
  •  Pangalawa, magpalit ka ng suki, magbago ka ng lugar. Irefer kita kay Bulakbolero, Joey Velunta, KuyaMao at WP for short. Subukan mo din sa Pegasus. Mag-level up.
  • Pangatlo, gamitin mo ang mga social networking sites, magtweet ka, magblog, iplurk mo kung magsi-SALE ka ng you know. Try mo ang G+, siguradong may spot ka sa G+.
  • Pang-apat, kung alam mo namang humihina ang kita mo, ‘wag na munang mag-feminine wash, pwede naman siguro vinegar with laurel leaves, para hindi mabilasa. Kainaman. Syempre joke lang, ano ba ang pwedeng alternatibong panghugas ng say something here? Surf, Downy isang banlaw? Asin pwede rin, para ‘di mahampok. ‘Nong araw wala namang mga ganyang panghugas. Magtipid ka muna.
  • Panglima, subukan mong humanap ng mas akmang trabaho para sa iyo, ‘yong sa tingin ng marami ay desente at katanggap-tanggap sa lipunan nating mapanghusga. Naranasan mo na kung paano mapasok sa larangang iyan, panahon na siguro para ibang karera naman. Parang kabute ang call center industry ngayon sa atin, mag-apply ka. Kapag natanggap ka, CALL GIRL ka na. Meynteyn!

Totoo, iba’t iba ang tadhana ng tao sa mundo. Mega, kinatawan ka ng katotohanan. Sa mundo mo, sining ng mga tao sa kanilang panulat, pelikula o dokumentaryo. Salamin ka ng isang bansang nagdarahop at mga uhaw sa laman na anak ng lipunan.

‘Nga pala, magpa-check up ka rin ha? Mahirap magkasakit. Bakit Mega ang iyong ngalan? Mega-luwang?

Magkita tayo sa mata.

Kuli

Posted in Halakhakang Pinoy, Kamalayang Malaya, Panitikang Pilipino | Tagged , , , , , , , , | 29 Comments

Dear Kuli: Dong Dilig

Time out muna tayo sa mga seryosong usapan. Bigyang daan natin ang liham ni Dong Dilig. Ito’y liham pa niya noong isang taon, ngayon ko lamang napagtuunan ng pansin. May Dear Kuli portion ako dati, namahinga lang. Mabenta ang Dear Kuli portion ‘nong panahong hindi pa ako narerehab. Lol

Dear Jkul,

Una sa lahat magandang araw sayo at sa iyong fans. Dapat yan pala yung nilagay bago ang Dear Jkul para talagang una. hehehe. Tawagin nyo na lang po ako sa panagalang Dong. 26 taong gulang Di kagandahang lalaki pero kung tindig at tikas lamang ng pangangatawan ang pag-uusapan may laban ako kina Derek Ramsey at Dingdong Dantes. Sabi pa nga nung kapaitbahay ko sa probinsya hanep daw yung maskels ko sa braso para daw sampalok. Lumaki po ako sa Bohol at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang all-around houseboy sa kilalang subdivision sa lugar kung saan kinaiinggitan ng mga Single na mga babae. Sabi kasi nila mas mabuti pa daw ang Parañaque may BF. acheche

Sumulat ako upang humingi ng payo sa aking kinasadlakang trabaho. Ang amo ko ay walong taong hiwalay sa asawa at may dalawang anak na nag-aaral sa Diliman. Tinatawag ko syang Mam Sara (with capital H). 38 taong gulang 5’6 ang height, sexy, maputi, makinis at bukod sa lahat ay maganda. Sa unang isang buwan ko sa trabaho ay swabe ang lahat subalit nag-iiba ito nitong nakaraang linggo. 

Habang nagugupit ako ng mga damo sa hardin, biglang  dumating si Mam Sara (with capital H) naka hanging na sleeveless na kulay puti at nakaminiskirt. Sa sobrang hanging ng kanyang damit ay nakita ko ng hindi sinsadya ang kanyang kamot sa tiyan. Pero hindi ko na iyon pinagtutuunan ng pansin. Pero laking gulat ko nang bigla syang umupo sa aking harapan. Sabi nya tuturuan daw nya ako ng tamang paggupit ng damo. Sa sobrang iksi ng suot nyang skirt at nakitaan ko sya ng panty at kita ko ang kinis ng kanyang mga hita pero hindi ko pa rin ito pinagtuunan ng pansin dahil ang gusto ko lang ay magtrabaho. Nung matapos nya akong turuan maggupit ng damo tinuruan nya naman ako kung papano daw ang tamang pagdidilig ng halaman. Magaling syang magdilig Jkul. Halatang may pagmamahal. Subalit noong matapos na nya akong turuan inabot nya bigla sa akin ang hose kaya nabasa ang aking damit. At bigla naman nyang sinabi na sya naman daw ang diligan ko. Sinunod ko naman sya. Binuhusan ko sya ng tubig mula ulo hanggang leeg. Pero bigla po syang nagalit at nagmura. Sabi nya PUNYETA daw ako at biglang umalis. Naiwan akong nag-iisip ng malalim dahil hindi ko sya maintindihan.

Kahapon may isa na naman pangyayaring hindi ko nagustuhan. Gumising ako ng maaga dahil pupunta daw kami ni Mam Sara (with capital H) sa Divisoria. Habang nagsasalang ako ng tubig upang magkape, bigla nya akong tinawag. Nasa banyo sya naliligo. Pinapasok nya ako upang sabunin at hilurin ko raw ang kanyang likuran dahil hindi nya abot. Pinahubad nya muna sakin ang suot kong damit pang itaas saka nya inabot ang sabon. Habang sinasabon ko ang kanyang likuran ay ramdam ko ang kinis ng sobrang pinong-pino nyang balat. Malaporselana ito. Pero hindi ko ito pinatuunan ng pansin dahil trabaho lang ang nasa isip ko. Nung tapos ko ng sabunan ang buo nyang likuran ibinalik ko na sa kanya ang sabon nang bigla itong nalaglag sa sahig. Nablanko ako sa susunod na nangyari. Bigla syang yumuko upang pulutin ang sabon. Kumiskis ang kanyang malalambot na puwet sa aking harapan. Pero hindi ko ito pinagtuuanan ng pansin dahil trabaho lang ang nasa isip ko. Bigla kong naalala ang isinalang kong tubig pangkape kaya nagdahilan ako upang makaalis na sa loob ng banyo. Pagkabalik ko sa kusina naupo ako sandali at nag-isip ng malalim. Hindi ko na kaya ang mga nangyayari masyado na akong nahaharas.

Ano po ba ang dapat kong gawin Jkul? Magresign na ba ako sa trabaho kong ito? O hayaan ko nalang na patuloy na mahaharas ni Mam Sara (with capital H)?

At ano nga pala ang dahilan bakit nya ako tinawag na punyeta noong binasa ko sya nung sinabi nyang diligan ko sya? Hanggang sa ngayon kasi hindi ko pa rin ito maintindihan.

Pasensya na Jkul at medyo mahaba ang aking liham.

Gumagalang at nagpapasalamat,

Dong

Dong,

 

Magresign ka na sa trabaho mong ‘yan kapag marunong na marunong ka nang magdilig ng bulaklak ni Mam Sara (with capital H) para kapag nakahanap ka ng bagong amo ay may ‘di matatawarang kasanayan ka na.

 

May kasabihan po tayong,

 

“Mas marami kang madidiligang bulaklak at halaman, magiging luntian ang kapaligiran.”

Bow.

 

Baka sambitla lamang  niya ang salitang Punyeta Dong. Hindi ko rin kasi maunawaan kung bakit gusto niyang magpadilig hindi naman siya halaman.

 

‘Don naman sa bahaging pinaghilod ka niya, baka ang dumi dumi niya Dong kaya nagpatulong siyang magpahilod ng kaniyang libaging katawan. Normal ‘yon Dong. Amo siya with capital H pa. Maghugas ka na lang ng kamay pagkatapos mo siyang hiluran.

 

Inaantok,

JKul.

Baka may maipapayo kayo kay Dong. Sa gustong makatextmate si Dong, mag-email lang kayo sa j.kulisap@gmail.com.

Next letter sender please.

 

Posted in Halakhakang Pinoy, Kamalayang Malaya, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy | Tagged , , , , | 33 Comments

Bayan ni Jesse

“Hindi lahat ng matino ay mahusay at hindi lahat ng mahusay ay matino. Dapat mahusay at matino.”- DILG Sec. Jesse Robredo

 

Ang Bayaning si Jesse Robredo

 

Maraming salamat po sa inyong ibinahagi sa ating inang bayan. Sa iyong paglisan, nabuhay naman ang mga kabayanihang ipinamalas mo na magsisilbing ilaw sa pagtahak sa mas papasulong na bansang Pilipinas.

 

Nagpupugay po sa inyong sariling pamamaraan ng pagiging bayani.

 

Nakasisiguro akong marami ang nahaplos ng iyong matapat at kabutihang paglilingkod sa ating kapuwa Pilipino. Nananalaytay sa inyong dugo ang tunay na bayani.

Gutom na gutom ang bansang Pilipinas sa mga kagaya ninyo lalo na sa ating mga pinuno sa pamahalaan.

Nanggaling ang larawan sa pcij.org

Posted in Bayang Pilipinas, Titik Pinoy | Tagged , , | 30 Comments