Ang Wikang Filipino

Isa sa pinakatanyag na pagtukoy na nakikiamot ang wikang Filipino sa mga Pilipino ng oras ay ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika tuwing Agosto kada taon sa Pilipinas. Bakit kailangan pang ipaalala sa ating mga Pilipino na ang ating wika ay Filipino/Pilipino? Ibig sabihin nito hindi pa natin napagwawagian ang kaisahan at kaganapan ng wika na pilit ipinapaangkin sa atin. Sa ibang bansa, hindi na kailangan ng pagdiriwang o pag-alala sa kanilang mga wika, ganap at buong giting nila itong ginagamit sa pang-araw araw nilang pamumuhay, kumbaga sa kasuotan, ito ay kanilang brief at panty. Naku! Ano kaya ang katumbas sa wikang Filipino ng brief at panty? Saluyag? Saluke? Malayo sa bahag ng ating katutubo. Sadya nga bang hubo tayo pagdating sa pag-angkin ng ating pagkakakilanlan? Maging sa wika, tayo’y tila ligaw. Ligaw sa sariling lupa.

 

Palawakin pa natin.

Kapansin pansin sa mga tindahan ng libro na bibihirang mailagay sa “Best Seller section” ang mga aklat na gawa ng mga Pilipino. Ang mga librong likha ng ating mga manunulat na Pilipino ay hindi din kumakain ng malaking lugar sa nasabing mga tindahan. Isa ito sa halimbawa na lumalamon ng alikabok ang wikang Filipino kumpara sa banyagang wika lalo na sa wikang English. Kumbaga sa telenobela, api ang karakter ng wikang Filipino at kontrabida naman ang English, at hindi maglalaon ang pakiwari ko dahil yakap na yakap natin ang globalisasyong hindi napipigilan, mas lalawak ang wika ng  mga Filipino. Para nang halu-halo ang ating wika. May Hapon, Koreano, Intsik, Kastila, at iba pang wika; ang resulta bekimon at jejemon, sa aking palagay.

Nachorva mo na ba ang chinorva ni Cheverloo? Nauunawaan? Ei1 kohz phoz eh. Nawaley ang wallet me.

Nagbibihis ang wika, mabilis magpalit. Ang tanong, naabot ba ang hangarin na pagkakaisa na mapagyaman ang wikang Filipino? Kung sinasabi nating ito ay bahagi ng kasaysayan, ng ating kultura at tradisyon maging pagkakakilanlan, hindi ba dapat pinayayabong ang ating wika?

Hindi man lamang tayo makipagsabayan sa paggawa ng mga nobela, maikling kuwento, at iba pang sulatin na magpapayaman sa ating panitikan. Gustong gusto nating basahin ang nobela na may kinalaman sa paninipsip ng dugo sa leeg upang manatiling bata at magandang lalaki ang bida o iakma ang ating mga sarili para makisabay kung paano magpakawala ng mahika upang sa isang iglap ay maglahong parang bula. May nakalimbag bang nobela sa Filipino tungkol sa patagong relasyon ng duwende at kapre? O kung bakit nagpalaglag ang tikbalang pagkatapos siyang takbuhan ng walanghiyang garapata? O kung paanong ang bituka ng aswang ay hindi manlang nalaglag sa paglipad niya sa kalawakan? Bakit hindi gawing tinuhog na isaw ‘yon para malamnan ang gutom na si Juan? Ang punto ko, hindi natin inuuna ang paggawa ng sariling atin sa wikang alam ng mas nakararami. Pilit nating isinisiksik ang ating mga sarili sa kulturang ligaw sa ating mga dugo dahil sa paniniwalang mas angat tayo sa iba kapag alam natin ‘yon. Walang masama, hindi ipinagbabawal ang pag-aaral ng iba pa, ito ay isa ding hakbang sa pagpapalawak ng karunungan pero ang wikang Filipino ay parang isang nangingimong dalaga sa kaniyang kasintahan na nagmamahal ng mas higit na matingkad kaysa sa kaniya. Naiiwang lugami. Nagtatago sa sulok. Sinasambit na lamang ng pabulong kapag nag-iisa at walang makakadinig. Hindi mo ba napansin ang malaking epekto nito sa kamalayan ng mas maraming Pilipino? Ito na ‘yon, ipinagduduldulan natin na pansinin naman ang wikang Filipino. Ngayon sino ba ang pinakikiusapan nating ito, mga Hapon ba? Koreano? Kastila? Amerikano? Nagmamakaawa at nagpapansin tayo sa mga kapuwa natin Pilipino. Napakabisa ng dulot ng wikang English sa kamalayan nating mga Pilipino, nag-umpisa sa hangarin ng mga Amerikanong maituro ito upang tayo’y sumunod sa kanilang naisin at oo pinagsamantalahan ang nanggigipuspos nating lakas mula sa pagkakaalipin ng mga Kastila at Hapon at sa iba pang nagpasarap sa Perlas ng Silangan. Hanggang ngayon kahit wala na sila mas namamayani naman ang kanluranin nating pag-iisip, pansinin mo, nagmula ‘yan sa wikang English. Kung magkagayon, paniwalaan mong napakabisa din ng wikang Filipino kung mamahalin mo din gaya ng pagmamahal mo sa wikang English.

Isa pang halimbawa si Paopao. Anak siya ng aking ka-opisina, walong taong gulang. Kapag isinasama siya ng kaniyang ina dito sa aming trabaho, nagbibiruan na kami na humugot ng panyo dahil paniguradong duguan kami sa pag-intindi sa kaniya. Kwento ng kaniyang ina na minsa’y may pagsusulit sa wikang Filipino si Pao, ibigay daw ang kahulugan ng tambalang salita na “anak-pawis”, ang isinagot ni Pao ay “anak na may pawis”. Mas nauna pang maintindihan at matutunan ni Pao ang wikang English kaysa sa wikang Filipino. Ang tanong ko ngayon, kabawasan ba sa pagiging Pilipino ng isang Pilipino kung hindi siya marunong magsalita at umunawa ng wikang Filipino?

Sa pag-aaral natin, gaano mo tinutukan ang pag-aaral ng wikang Filipino? Minani mo ba o parang wala lang. Filipino naman ‘yan, hindi masyadong mahalaga ‘yan.
Aminin man at sa hindi ng mga nagtuturo o ng ating mga guro sa kasalukuyan, gaano ba nila pinahahalagahan ang pag-aaral ng wikang Filipino? Nasa kailaliman ng ating isipan ang paniniwalang mas matatas ang isang taong maalam sa English. Pwede mong pabulaanan pero ito’y parang nabubulok na laman na umaalingasaw hanggang sa kasalukuyan.

Ang karatula ng MMDA “ Bawal TUMAWID, May Namatay na Dito” ay mas maiintindihan ng karamihan kaysa sa PED Xing. Sino o ano ba ang Ped Xing? Alam mo?

Kahit sa blogesperyo/blogsphere, kapag ang isang blogger ay piniling gamitin ang wikang Filipino sa kaniyang panulat, mahirap ibenta ito. Ilang taon din akong nagpapansin sa iba bago ako mapansin. Karaniwan kong natatanggap ang mga komento sa paksa na “ ang lalim naman, ako’y duguan”. O kaya, halatang halata na kinatamarang basahin ang isang sinulat, bibihira ang nagpapakita ng interes, paano naging malalim ang wikang Filipino, baka naman sadyang pinababaw lamang natin ang pagkakaunawa dito. Kung magkagayon, mababaw ba ang pagtingin mo sa iyong pinagmulan?

…Malinaw sa ating kasaysayan na ang Ingles ay hindi lamang naging paraan ng komunikasyon kundi paraan ng kolonisasyon. Ang Ingles ay hindi naging paraan para sa pag-uusap ng mga mamamayan. Naging paraan ito para sa paghahati-hati ng mga mamamayan. Ang tanging diyalogo na ginawa nito ay ang diyalogo sa pagitan ng pamahalaang kolonyal at ng lokal na naghaharing uri. Kasunod sa kaputian ng lahat, ang galing sa paggamit ng Ingles ay naging pasaporte sa sirkulo ng kapangyarihan….Halaw sa talumpati ni Dr. Nelson Turgo “ Kung Bakit Nagmura Ako ng Putang-ina sa Buwan ng Wika”

Baduy, jologs, pangkanto. Ang wikang Filipino ay wika ng mga nangangatulong, ng magsasaka, basurero, nagwawalis, sa madali’t sabi, ang wikang Filipino ay wika ng mga totoong Pilipino. Sila ang mga totoong Pilipino. Hindi nabahiran ng kanluranin. Hindi sila mangmang, sadyang sila’y Pilipino.

Ang diskursong ito ay namamayani sa pagitan ng mga nakapag-aral, nagpapakadalubhasa at tayo iyon. Kung tayo nga ang nagpapaligsahan kung alin at ano ba talaga ang Wikang Filipino,sana naman, makilala na natin ang pagiging Pilipino natin kahit sa wika man lamang.

Kabaduyan ba kapag sinambit mo ang salitang “Iniibig kita higit pa sa buhay ko? “,  Hoy! ‘yong lahi mo diyan nabuo, sa banig ng panunuyo tanglaw ang aandap-andap na lampara ng bukas. At ngayong nakatikim ka na ng ibang lasa, ligaw, pinaghalu-halo, hindi mo na tuloy malaman ang pabalik. Saan nga ba tayo magbabalik? May makapagtuturo kaya? ‘Yong ‘po at opo” na ramdam mo ang dalisay na paggalang sa mga nakakatanda, ‘iyan ay isang buhay na patotoo kung gaano kaganda ang wika natin.

Natatangi. Kayumanggi.

Ang watak-watak na heyograpiya ng ating bansa ay may epekto din sa wika. Bibigyan kita ng ilang halimbawa.

Ang pangungusap na pautos na “ Magsalita ka.” ay may iba’t ibang katawagan sa ibang lugar sa atin.

Magsalita ka..- Tagalog

Mag-irgo ka.- Marindukehin

Magtaram ka.- Bikolano

Pagsiring- Waray

Mag-ingon ka- Cebuano

Ag Sao Ka- Ilokano

Panambitan mo.- Panggalatok

Ito pa.

Hindi daw totoong ang San Juanico Bridge ang pinakamabahang tulay sa Pilipinas, ayon sa maalamat na kuwento ng mga nalalasing sa kanto, ang Pampanga bridge daw diumano ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas. Bakit? Dahil ang itlog daw ng mga taga Bulak-an pagdating sa San Fernando Pampanga, ebon na.

Hindi ba’t dito pa lamang, ibang ibang wika na ang mayroon tayo. Nagpakita ka ba ng pagkapukaw na alamin man lamang ang wika ng mga taga-Luzon, ng Bisaya  at maging sa taga-Mindanao? Bakit pa? Iyan ang malaking tanong.

Muli, ang wika ay bigkis ng isang lipi. Kapag tinatanong ka, taga-saan ka? Pilipinas po. Ano ang wika ninyo doon? Halu-halo po.

Matatas na tayo, kung kaya nating pag-aralan ang wika ng iba mas naniniwala akong kayang kaya nating paunlarin ang wikang Filipino ‘iyon ay kung itataas mo ang iyong pagtangi. Isipin mo na lamang na kunyari ang Wikang Filipino ay ang iyong ama at ina. Hindi ba’t sila’y ating mahal?

Kulang ang pagkakaunawa ko sa wikang Filipino. Maaaring may iba kang pagkakaunawa, maaari mong ibahagi. Simulan nating magpayabong. Maaaring taliwas sa iyong napag-aralan at pinaniniwalaan. Mainam kung magbabahagi ka dahil ang wika ay hindi ipinagdadamot.

Para sa mga nagsasaliksik na mga mag-aaral at sa aking takdang aralin sa guro na si G. Michael Langura. Heto na po ang aking Tinig para sa wikang Filipino.

About J. Kulisap

Ako si J. Kulisap. Kayumanggi ang damdamin ni J.Kulisap. KAINAMAN
This entry was posted in Bayang Pilipinas, Kamalayang Malaya, Kulturang Pilipino, Mga Tula ng Puso, Panitikang Pilipino, Titik Pinoy and tagged , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

18 Responses to Ang Wikang Filipino

  1. Joey Velunta says:

    ahahahaha pards Yari ka kay Jacob hahahaha

  2. Sphereq says:

    gusto ko parin talaga yong mga kwento tungkol don sa magkaibigang kalabaw at baka na nagkapalit ng damit kesa don sa twilight xD

  3. bagotilyo says:

    guilty ako kasi ngaun ko lang talaga naappreciate ang panitikan at ang wikang filipino.

    wahahahha..

    pabili po saluyag :p

  4. Sigliwa says:

    Isang mahaba at masalimuot ang talakayan ang debate hinggil sa wika — maging ito man ay sa pambansa o panglokal (rehiyunal) na saklaw.

    Nang maisabatas ang Batas Commonwealth Blg. 184 s. 1936 na lumikha sa Institute of National Language, hindi rin naman nito nasolusyunan agad ang problema sa wika sapagkat marami pa rin naman ang talagang nangangayupapa sa wikang Ingles at Español bilang wikang superyor sa gobyerno, komersiyo, at maging sa akademya. Sabi nga ni Jose L. Arciwals, isang sikat na nobelista’t manunudling noon, ang wika natin, isang kaawa-awang wikang ayaw pagitawin (as cited in San Juan, et al 1994).

    Ngayon, sa pagdagsa ng produktong kultural buhat sa iba’t ibang panig ng daigdig, partikular sa Estados Unidos, na super-economy ngayon ng daigdig, lalo pang nailampaso ang ating sariling wika. Sino nga ba ang nangahas na magturo ng siyensiya, halimbawa, sa sariling wika gaya nang ginagawa sa Rusya, Alemanya, Tsina, Hapon, Korea, atbp? Wala. Pinagdiriinan ng mga “akademiko” na hindi lalong mauunawaan ng bata ang leksiyon kung sa wikang sarili ito ituturo. Gayon nga ba ang siste?

    Sa isang bansa na 80% ng populasyon ay pawang maralita at hindi naman talaga “high class”, aasahan ba nating magsasalita sila ng Ingles sa kanilang mga tahanan? Hindi ba’t mas malaki ang sirkulasyon ng tabloyd kaysa sa malalaking peryodiko? (Ayon sa artikulo na nalathala sa http://bizcovering.com/business-and-society/from-xerex-to-de-quiros-a-discourse-on-the-newspaper-industry-in-the-philippines/, tinatayang nasa 450,000 ang sirkulasyon ng Bulgar, pangalawa sa pinakamalaking sirkulasyon ng tabloid sa bansa).

    Ang isa pa sa punto ng debate ay ang “intelektuwal” na aspekto ng wika. Mas marunong nga ba ang mahusay magsulat sa Ingles kaysa sa Filipino at sa diyalekto? Kung susuriin natin, noong dekada 1900 hanggang 1940, masigla ang pagbabasa ng mga babasahing nailatlahala sa Pilipino. Ano na ngayon ang nangyari?

    Walang masama, sa abang palagay, ang pagsusulat at pagbabasa sa Ingles. Pero paano naman ang sarili mong wika? May isang propesor sa Polytechnic University of the Philippines ang nagsabi ng ganito, pagsipi sa yumaong patriyotiko’t mahusay na akademiko na si Dr. Nemesio E. Prudente:

    “Isang malaking kabobohan, samakatuwid, ng mga oplsyal ng edukasyon,” binigyang-diin niya, “na gamitin ang Ingles na wikang panturo agad sa mga mag-aaral sa elementarya na tinuturuan pa lamang ng Ingles bilang ikalawang wika o ikatlong wika sa mga rehiyong di-Tagalog.” Sa naturang antas, dapat na wikang Filipino ang gamitin kaagapay ang katutubong diyalekto bagaman, ayon nga sa kanya, mulang Grade I hanggang Grade VI, dapat ding ituro bilang isang asignatura (subject) ang Ingles tulad din ng wikang Filipino. Kaya, sa nabanggit na mga grado, sa Filipino dapat ituro ang siyensiya at matematika na maaaring salitan ng katutubong diyalekto sa mga rehiyong di-Tagalog. Sa hayskul na simulan, sabi niya, ang paggamit sa Ingles bilang wikang panturo (medium of instruction). Hindi ito nangangahulugang kakaligtaan na ang Ingles, ayon pa rin sa kanya, kaya nga dapat na isa itong asignatura sa lahat ng antas ng pag-aaral mulang elementarya hanggang kolehiyo.

    Bakit kaya ganito ang sabi? Dahil paano nga ba natin mapaghuhusay ang ating pag-unawa at pagkalap ng karunungan kung mismong wikang gamit natin ay hindi natin maintindihan?

  5. sa panahon ngayon, palagay ko, unti-unti na rin naman nang lumalawak ang wikang filipino.. lahat ng mga taong nanggagaling sa iba’t ibang probinsya, natuto na ring magtagalog (na siyang itinuring na wikang filipino [may tema nga na naman pala ng kasaysayan 'to, dahil tanga ako sa sibika at kultura, hindi ako gaanong sigurado kung tama ako sa huling tinuran ko.. hehehe]).. may mga dayuhang taga-mormon at yung mga nasa pamilyang pinili nang manirahan sa pilipinas, lahat sila, matatas na kung managalog.. maging ang ilang dayuhan na may interes sa kulturang pilipino, nag-aaral na rin ng wikang filipino.. dahilan na nga lang din siguro sa umiral na kolonyalismo sa bansa noong mga nagdaang siglo (na sa tingin ko rin, hanggang ngayon, dama pa rin ang impluwensya nu’n sa paligid), napakadali na lang sa mga dayuhan sa ngayon ang tabunan tayo ng kani-kanilang mga anino anumang oras.. mga balikatan exercises ng mga sundalong amerikano at pilipino,yung sa clark air base, mga call centers, yung nangyayari ngayon sa spratlys, mtv, lady gaga, super junior, at marami pang iba.. idagdag na rin d’yan ‘yung mga ibinibigay nilang trabaho sa karamihan sa atin, na minsan, kinailangan pang magpakabihasa sa wikang dayuhan.. ganunpaman, ang lahat ng pagtitiyaga ng marami sa pagpapalawig ng wikang filipino ay hindi pa rin nasasayang.. pwedeng sabihing hindi pa tuluyang laganap.. pero, katulad nga ng lahat ng uri ng “pagkabigo”, may napakarami pang pagkakataong bumawi at bumangon..

  6. Ser J, mainam na mga obserbasyon. Sumasang-ayon ako sa mensahe mo na tayo mismong mga Pilipino ang nagpababa sa estado ng wika natin.

    Kung titingnan ang ilang mga Pilipinong website gaya ng definitelyfilipino.com, anti-pinoy.com, thepinoy.net, etc., mga website na gawang Pilipino at para sa Pilipino pero pawang mga nakasulat sa wikang Inggles.

    Sa bansang Hapon, ay walang pagdiriwang ng linggo o buwan ng wika. At bagama’t mga Hapon lamang ang gumagamit ng wikang Hapon (kagaya ng mga Pilipino lang ang gumagamit ng wikang Pilipino) napakayaman ng kanilang salita. Ultimo yung mga chemical elements, gaya ng oxygen, hydrogen, lead o kaya mga vitamins gaya ng protein, carbohydrates, iodine eh may katumbas silang salita.

    Napakiusapan akong mag-translate dati ng mga salitang Hapon sa wikang Tagalog para sa mga babala sa panahon ng sakuna at laking gulat ko nung malaman kong ang dami pa palang salita na walang katumbas sa Tagalog (Tagalog at konting Waray lang ang kaya kong gamiting diyalekto). Ano ang katumbas ng mga salitang confirm, check, register, fill-out at emergency? Dun sa naisalin kong dokumento eh 40% yata ang nasa wikang Inggles.

    Kulang siguro ang mga alam kong salitang Tagalog pero sa tingin ko limitado talaga ang salitang mga maaari nating gamitin sa wikang Pilipino. Hindi natin ito nagawang pagyamanin sa paglipas ng mga panahon.

    Yung operating system ng MS Windows, merong Vietnam at Thailand version pero wala itong Tagalog na salin kasi meron namang Inggles. Pati yung Tagalog ng Google, marami pa rin ang Inggles na salitang gamit.

    Sa kasamaang palad, ang pambansang wika ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon ay naging Taglish na.

  7. metaporista says:

    Isinasabay na lang sa agos ang pagbabago ng wikang filipino. Iilan lang ang may interes na palalimin pa ang pag-aaral nito. Hindi raw kasi pagkakaperahan. Hindi naman kailangan bigyan ng katumbas na filipino ang bawat salitang ingles. Mas madali kasi para sa karamihan ang gamitin na lang ang ingles. Mabango sa pandinig at maganda sa paningin.

    Ang taong nabagok ang ulo at nawalan ng memorya ay nagtatanong ng

    “sino ako? asan ako? anong ginagawa ko dito?
    Makakalimutan niya ang lahat ng bagay maliban sa ano?

    Ang kanyang wika at lengguwage.

    Bakit?

    Dahil lagi niya itong nagagamit.
    Para hindi natin makalimutan ang isang bagay, dapat lagi natin itong praktisin.
    Paunlarin natin at laging gamitin hangga’t kaya.
    Pag-aralan natin at ituro sa iba.
    Kahit wag mo nang mahalin.. Ok lang naman maging masahol pa ang amoy sa malansang isda.
    Wala na rin namang kasing aamoy.

  8. WP says:

    Mahal ko ang wikang atin dahil ito ang ating tatak, ito ang sumasalamin sa ating lahi kaya’t hindi ko ito ipagpapalit sa ibang lenguahe pero mainam din naman minsan na may alam kang ibang salita tulad ng portugis. Bom Dia Jakul! xD

  9. Rj de Lemos says:

    Naalaala lang at nabibigyang pugay ang Wikang Filipino sa buwan ng Agosto.Tama yan at alam natin yan. Pero masaklap karamihan sa atin. Pagkatapos ng buwan na iyan. Wala na. Balewala na. Hindi ko din matarul kung bakit ganoon n lang tayo sa wikang atin. Bugso na nga ito ng pagsakop ng wikang dayuhan sa ating wika., Unti-unti niya itong nililipol hanggang sa di maka alagwa pa na yan ay hindi natin papayagan mangyari. Hindi ko din naman sinasabi na wag tayong magsalita ng ibang wika o mag aral,dahil kailangan din na naman natin ito at nakakatulong ito sa atin. Pero wag namang balewalain. Tapakan at ikahiya.

    May mga senaryo na Tatak Pilipino ka naman.Dugong Pilipino.Pero naguusap kayo ng wikang iba,pero na sa mismong bayan ka. Itong isang mahina sa wikang ingles na hindi makapagsabayan,makiki abat kahit baluktot ang pagsasalita niya ng ingles,makisabay at makibagay lang.Na pagtatawanan naman ng iba dahil sa kabuktotan.

    Sinasabi ko lang,bakit kailangan ipagpilitan. Ayan ang wika natin, nakaumong sa iyong bibig. HInihintay ka lang niyang bigkasin mo siya. Pero ano’t kagat mo ang dila mo para di siya umalagwa.

    Tulad nga ng tinuran ko sa aking akda sa KM3.
    Nanlilimahid na sya,Nanggigipuspos.
    Nang-aamot ng pagmamahal at pagyakap.
    Huwag mo sanang ipagdamot!

  10. tadongdaniel says:

    isa sa mga trabaho ko sa kakapasok ko pa lang na pribadong kompanya ay ang pagpapadala ng mga sulat sa mga kliyente. ang iba ay idinadaan sa e-mail at iba naman ay sa makalumang paraan. doon nasubukan nang matindi ang kaalaman ko sa pagsusulat ng ingles. ngunit tila hindi ako naging komportable sa pakikipag usap sa mga kliente sa wikang ingles. ang wikang ingles para sa akin hindi magalang na wika. gustong gusto kong maging tunog magalang ngunit hindi ko magawa. kahit ang paggamit ng “please at kindly” ay hindi sapat sa paggamit natin ng po at opo sa pakikipag usap. naisip ko na sa bawat at kung may pagkakataon ay sisingitan ko ng po at opo ang aking pangungusap.

    pagpatuloy at palawakin sana natin ang paggamit nito. nabasa ng mama mo ang parteng wika ng mga mabababang uri ang wikang filipino. nasaktan siya. ako rin. sana magbago ang pananaw ng KAPWA PILIPINO natin sa sarili nating wika.

  11. Bevy Gutierrez says:

    malaking epekto ng teknolohiya sa wikang Filipino, nababawasan lalo ang hilig at interes ng mga kabataan sa ating sariling wika, naaalala ko nung kumuha ako ng pagsusulit sa upang makapasok sa PUP, don ko nalaman na mas marami at malalim pang mga salita sa Wikang Filipino ang hindi ko pa naririnig at hanggang ngayo’y hindi ko nalaman. Ipagpatuloy po ninyo ang pagsusulat na tulad nito upang pasiglahin ang Panitikang Pilipino at makatulong sa Pagpapaunlad ng Wikang Filipino! Mabuhay po kayo

  12. Jm says:

    Ang Laking tulong poh nyan sa ass. Ko.!! Thank you poh talaga!! Pwede poh bang gawan nyo ko ng sanaysay na ang title ay tatak ng wikang pilipino!! Kailangan ko na poh kac bukas eh!!! Thak you poh ulit!! :)

    • J. Kulisap says:

      Kamusta JM? Kayang kaya mo ‘yan. Malaya mong gamitin ang mga nabasa mo bilang bahagi ng iyong pananaliksik pero mas mahalaga ‘yong ideya mo na ikaw mismo ang magususulat ang siyang mababasa ng iyong guro. Palawakin mo ang wika ayon sa nabasa mo halimbawa na itong aking nasulat at sa mga nasaliksik mo pa maging sa libro o saan mang babasahin tungkol sa ating wika.

      Kapag may kinuha ka dito sa aking isinulat, siyempre ilalagay mo kung saan mo nakuha kasi baka magaya tayo kay Tito Sotto at Manny Pangilinan. Hahahaha.

      Mag-aral mabuti.

  13. Juhan says:

    Salamat po sa inyong sanaysay na ito. Ulat ko po kasi yung sanaysay ni Nelson Turgo, binasa ko po ito sa kadahilanang nagustuhan ko po ang inyong mga sinabi ukol sa ating wika. Tungkol din po sa kung paano natin ito pagyamanin.

  14. Jhanna says:

    Grabe , Ang Ganda :)))
    Alam Ko na kung Gaano kaganda ang Pagiging PiLipinO :’)))

  15. venz says:

    syempre,wika natin yan ea. mahalga talga na unawain natin iyon :)

  16. MAILYN SIMAN says:

    wow alam ko na kung gaano kaimportante ang ating sariling WIKA

  17. Daisy says:

    Salamat po sa mga impormasyong ibinahagi

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s